LUNGSOD NG MALOLOS, Dis.8 (PIA) — Itinanghal kamakailan bilang winning bidder ang San Miguel Corporation-K Water consortium para sa matagal nang inaasam na Bulacan Bulk Water Supply Project o BBWSP.

Sisimulan na ng consortium ang proyekto ngayong buwan matapos mag-alok ng pinakamababang singil sa bulk water na 8.50 piso kada metro kubiko.

Ayon kay Governor Wilhelmino Sy-Alvarado, lahat ng 21 bayan at tatlong lungsod ay mabibiyayaan ng sariwang suplay ng tubig mula sa mga kabundukan ng probinsya sa pamamagitan ng iba’t ibang water district.

Sa ilalim nito, ang winning bidder ang magpopondo sa proyekto at magsasagawa ng detailed design at construction.

Ito rin ang magpapanatili ng conveyance facilities, treatment facilities at water source sa loob ng 32 taong concession period.

Tiniyak naman ni Alvarado na ang halaga ng bagong suplay ng tubig ay mas mababa kumpara sa Metro Manila.

Sa huli, nagpasalamat siya kay Pangulong Aquino sa karagdagang biyaya sa lalawigan.

Bago nito, sinimulan na rin ang pagkumpuni sa 47 taong gulang na Angat Dam. (CLJD/VFC-PIA 3)