Source:  Official Gazette of the Philippines


Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa pagpapasinaya ng bagong Godofredo P. Ramos Airport sa Caticlan

[Inihayag sa Caticlan, Malay, Aklan noong ika-25 ng Hunyo 2011]

Pasensiya na ho kayo kanina, noong humingi ako ng update sa nangyayari po sa Metro Manila at sa Central Luzon. Sabi ko nga ho sa mga kasamahan ko, kasama na po ‘yung kapatid ko, mamaya habang nagwa-wading kayo sa Bora, magwa-wading naman po kami sa Tumana River sa Marikina at sa Tulyahan River sa Malabon.

Iyong pagbukas po natin ng airport na ito, naalala ko noong ako’y tumatakbo po sa Senado, mayroon pong isang airport, sa Mindanao kami napuntahan, at minamadali kami dahil sabi nila, alas-singko, magsasara na ito.

So, nandoon po kami sa runway, nagpo-power up ‘yung makina ng mga eroplano, at nagtataka kami, sa dulo ng runway, habang sinasagad ng piloto iyong kanyang makina, bigla hong hininaan, tapos lumingon sa amin at sinabi, “Sir, sandali lang ho, hinihintay lang nating tumawid.”

Kako, “sino ang tatawid?” Eh, runway po yun. Tumatawid raw ‘yung mga kalabaw sa harapan namin kaya medyo matatagalan ‘yung pagtake-off namin.

Punto ko lang ho doon, di ba parang, hindi naman ho dirt strip ‘yung pinuntahan namin. talaga pong facility ‘to, pero hindi nating masasabing world class.

Kaya naman ganoon na lang ang tuwa ko pag punta natin dito sa Boracay airport, na ngayon ay papangalanan, at ‘yung mga planong parating, dahil talaga nga naman hong kahang-hanga na nagawa itong temporary facilities na ito, midterm facilities, in just seven months. At doon ay puruhin po natin ulit si Mr. Ramon Ang, sampu ng San Miguel Corporation.

Ako po’y ganado talagang gumawi dto. Sa wakas, natanaw ko na po nang personal ang isla ng Boracay. Dati po kasi litrato lang ang alam ko diyan, noong pinuntahan ng nanay ko about 24 years ago. Doon po sa imbitasyon sa atin, sabi sa akin sa aking briefer, iniimbita akong mag-overnight sa Bora. Di ho pwe-pwede dahil mayroon pong baha sa mga ilang parte ng Metro Manila, kailangan po tayong bumalik ngayon hapon. Kung saka-sakali ho bang magbu-book ngayon, puwede ho bang magbakasyon ng 2016 diyan, malaki ho ba ang discount? Kung ngayon na ang booking?

Anyway, nang malaman ko nga pong magkakaroon ng inauguration at groundbreaking dito sa Aklan, agad akong nanabik sa pagkakataong makalapag sa isla ng Boracay. Naisip ko po agad ang magagandang tanawin, ang puting buhangin, at ang klarong tubig sa baybayin. Pero kung sakaling hindi nga po talaga tayo makakaapagrelaks dahil sa dami ng kailangan nating asikasuhin sa bansa, lalo pa at nagsusungit ang panahon, hindi ko naman po hahayaang hindi matikman ang mga kilalang pagkain dito gaya ng Chori Burger at Jonah’s Fruit Shake. Kwento lang po sa akin iyan, pero baka ho mapadali tayo, hindi ko na naman matikman.

Talaga naman pong kapag sinabing Boracay, ang kadalasang naiisip natin ay bakasyon o good times. Noon pa man, tangan na ng Boracay ang potensyal na maging pangunahing tourist destination sa rehiyon ng Visayas dahil sa bukod-tangi nitong likas-yaman, world-class na mga resort, at siyempre, ang tanyag na mainit na pagtanggap mula sa mga Pilipino, na siya namang nagdudulot ng ngiti at galak sa bawat bisita.

Ngunit minsan, hindi nabibigyan ng atensiyon ang biyayang dulot nito sa bansa at sa mga Pilipino. Malaki ang ambag ng mga lokal na destinasyong tulad ng Boracay sa turismo ng bansa. At gaya nga po ng palaging paalala ng mga ekonomista, ang mayabong na turismo ay susi sa mas maunlad na ekonomiya. Isipin na lang po natin ang Caticlan Airport, na sumasalubong sa humigit-kumulang 700,000 turista kada taon. Hindi po biro ang numerong ito, lalo na kapag inisip nating sa bawat turistang bumibisita sa atin, may isang Juan dela Cruz na nabibigyan ng kakayahan at pagkakataon upang makapagtaguyod ng kabuhayan para sa kanyang sarili at sa kanyang pamilya.

Para lang ho klarong-klaro: kanina po ay nagko-compute kami ng ating Secretary of Finance, baka magkamali ho tayo, titignan ko lang ho itong … okay. Kung matupad po ‘yung three million na tourist na inaasahan natin pag napalaki na po iyong ating airstrip dito, hindi ho bababa sa P322,500,000,000 ang idadagdag sa ekonomiya ng Boracay, ng Aklan—at pano ho na-achieve iyong figure na ‘yun? Fi-figure out ho niyo, about 1,000 dollars per tourist, times 40 na lang po, tapos multiplier effect ng two and a half, dahil ho doon sa, di ba ‘yung bebenta ng pagkain, at iba pa: handicrafts, ‘yung ating mga souvenirs. So, easily—at wala pa ‘yung housing component doon; kung saka-sakaling dumami pa para magha-house doon sa service industry sa pinag-uusapan. Pag ganoon po, multiplier effect ng five. So, minimum po iyong P322 billion pesos (buti na lang po scientific calculator ‘yung nasa telepono ko).

Ganito po kahalaga ang selebrasyon at pagtitipon natin ngayon: ang bagong terminal na ito ay maituturing nating isang malaking tarangkahan na magbubukas ng mas maraming oportunidad—hindi lamang para sa labas-masok na mga banyagang negosyante at turista—ngunit higit sa lahat, para sa patuloy na pagyabong ng turismo sa bansa, pangmatagalang pag-usad ng ekonomiya, at mas maraming trabahong mapagkakakitaan ng ating mga kababayan.

Hindi tayo puwedeng magpahuli sa kalidad ng paliparan sa mga karatig bansa. Kaya naman mula sa air-conditioning hanggang sa mga de-kompyuter na check-in counters; mula sa high-tech na baggage carousel hanggang sa mga LED information screens, mula sa mga komportableng waiting areas hanggang sa mga disenteng palikuran, siniguro nating moderno at maipagmamalaki natin ang mga kagamitan sa paliparang ito. Kaakibat din ng mga upgrades na ito ay ang pagpapaigting sa seguridad at kaligtasan ng mga bisitang papasok at lalabas ng Caticlan. Ngayon po, may naka-install nang state-of-the-art X-ray scanner na makakatulong sa pagtiktik sa anumang posibleng banta.

Ngunit higit sa lahat, sa unang pagkakataon po ay tatanggap at makakapagsilbi na po ang Caticlan Airport ng night-time flights, gaya ng ibang mga mas malalaking paliparan. Dahil po sa night-time navigation system at bagong airport runway lights natin, tinatayang aabot ng 30 porsiyento agad ang itataas ng dami ng pasahero sa paliparang ito.

Kapag may mga bisita po tayong dumarating sa bansa, ayaw naman po natin silang madatnang pasikut-sikot sa mga airport terminal katatanong sa mga impormasyong kailangan nila; ayaw natin silang makitang nagpapawis sa kahihintay sa mga delayed na flights o sa mga mahahabang pila; ayaw nating iwan silang nakatengga sa mga sulok o pasilyo bitbit ang naglalakihan nilang mga bagahe. Kaya naman, bukod sa mainit na pagtanggap ng Pilipino sa mga turista, ang mga pagsasaayos pong ito ang inaasahan nating mas kakalinga at mas makapagbibigay-ginhawa sa kanilang mga biyahe. Ngayon, kapag sinabi po natin sa mga turista na “visit us again,” ay talaga naman pong mas marami na silang dahilan upang bumisitang muli sa Pilipinas.

Malinaw pong ang pagpapasinaya natin sa bagong Caticlan Airport ay tanda ng ating kahandaang ipahayag sa mundo na: “Halina na po kayo’t dumayo sa amin pong bayan. Bukas ang aming pinto para muling madiskubre at maranasan ang hiwaga ng mga isla ng Pilipinas.

Kukunin ko na rin po ang pagkakataong ito upang personal na mapasalamatan si Ginoong Ramon Ang at ang management at staff ng San Miguel Corporation, maging ang TransAire Development Holdings Corporation para sa kanilang pagsusumikap na mapagtagumpayan ang proyektong ito.

Hindi po batid ng marami: alam po niyo, ‘yung Private-Public Partnetship program, inaasahan po nating mabibigay ‘yung imprastrakturang kailangan po ng bansa para naman po iyong budget ay mailaan natin sa tinatawag na mga social concerns tulad ng ating health program at saka ng Conditional Cash Transfer program. Di po batid ng marami, si Mr. Ramon Ang po ang isa sa mga una kong kausap na nagpakita sa atin nitong rutang ito na kung saan mapapamadali ang mga kakailanganing imprastraktura ng ating bansa. Siya po ang nagbigay, kumbaga, ng laman doon sa atin pong mga pinapangarap noong panahon na iyon. Kaya ulit, papasalamatan ko po siya, di lang po sa kanyang mga ginagawa, pero pati na rin po doon sa inspirasyon na naipagkaloob niya noong pinaliwanag ang oportunidad natin sa Private Public Partnerships.

Nakatatak na po sa pang araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino ang San Miguel; at maging sa pagpapaunlad sa ekonomiya ng bansa, hindi sila nawawala po sa eksena. Ang administrasyon pong ito ay nananabik pa sa mga susunod na proyektong itataguyod ninyo kasama ang gobyerno. Ang paliparang ito ay isang kongkretong halimbawa sa mabuting bunga ng pagkakapit-bisig ng gobyerno at ng pribadong sektor para sa kapakanan ng bansa.

Bahagi pa rin po ang pagsasagawa ng mga proyektong imprastraktura, tulad ng pagpapatayo ng mga paliparan at pagpapabuti sa mga destinasyon sa bansa, sa layunin nating pagandahin ang imahen ng turismo sa bansa. Sa katunayan, magsasagawa po ang gobyerno ng mga bidding para sa Public-Private Partnership projects upang lalo pang pagandahin at gawing mas moderno ang mga paliparan sa Bohol, Daraga, at Puerto Princesa. Inaasahan po natin na sa mga airport developments na ito, mas mapapadali ang transportasyon ng mga turista sa mga destinasyon sa atin pong bansa.

Muli ko pong bibigyang-diin na sa ilalim ng PPP program natin, hindi tayo gumagawa ng mga kastilyong buhangin (iyon po ay para sa kanta na lang): mga proyektong sa unang tingin ay maayos, maganda, at matibay—ngunit abutan lang ng malakas na hangin ay agad-agad namang bibigay. Sa patuloy na pakikipagtulungan ng pribadong sektor sa gobyerno, makakapagtaguyod pa tayo ng mas maraming proyektong tiyak na pakikinabangan ng taumbayan.

Iisa po ang prinsipyo ng PPP at ng ating administrasyon: Dahil alam nating hindi kayang pondohang mag-isa ng gobyerno ang mga paliparan, ang pagpapatayo ng mga tulay, ang pagpapa-semento ng mga daan papunta sa mga kanayunan, gumagawa tayo ng mekanismo upang magkaroon ng mas magandang ugnayan ang pribadong sektor at ang gobyerno upang matulungan ang mamamayan. Ang mga proyekto pong ito ang magbibigay-daan upang matiyak na may mapapasukang trabaho ang amang dating naka-tambay lang, na may pagamutang bukas sa inang manganganak, na may paaralang maipapatayo sa mga lugar kung saan tagpi-tagping yero ang eswelahan ng mga paslit. Ito po ang magbibigay-daan para ang mga problemang matagal nang pinapasan ng ating mga kababayan ay hindi na natin maipamana sa susunod na henerasyon ng mga Pilipino.

Talaga naman pong kapag nagtuloy-tuloy tayo sa pagtahak sa tuwid na daan, mas makakabuwelo na tayo upang mas mapatayog ang lipad ng Pilipinas. Patuloy tayong magkapit-kamay sa paglalakbay tungo sa pagbabago at sa mas maliwanag nating kinabukasan.

At bago po ako magtapos, papasalamatan ko po lahat ng may kinalaman dito, nangunguna nga po ang kumakatawan sa San Miguel Corp., Mr. Ramon Ang; Governor Marquez ng Aklan; Malay Mayor John Yap; atin pong Secretary Cesar Purisima; siyempre si Mar Roxas po, hindi pa ho nagswe-swear into office, matagal na pong tumutulong; ang CAAP Director General, Monching Gutierrez; NAIA General Manager Bodet Honrado; pati raw po ang PAGCOR Chairman tumutulong na rin ho yata dito—pero ang pagkaalam ko bawal ang casino dito, kaya huwag n’yong lalagyan ng casino dito; officers and employees of TransAire Development Holdings and San Miguel; other local government officials of Aklan; and to every party that was responsible in carrying out this halfway measure toward really improving our tourism sector.

Can I just point out, as a last point?: ‘yung Malaysia has 22 million tourists. Thailand has an average of about 14 million tourists. We are doing the tail end almost. We have 3 million tourists annually. Last year, we improved—it was three and a half (million); but three and a half is still a far cry from 14, which we hope to achieve sooner rather than later. Perhaps as early as 2014 and 2015.

Thank you and good day.